8 LGU SA ALBAY, ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY DAHIL SA PATULOY NA AKTIBIDAD NG BULKANG MAYON

Manila, Philippines — Isinailalim na sa state of calamity ang walong lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Albay kasunod ng patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang mga lungsod ng Legazpi, Tabaco, at Ligao, pati ang mga bayan ng Camalig, Malilipot, Sto. Domingo, Daraga, at Guinobatan. Ang deklarasyon ay pormal na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Albay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng “full government support” sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa ulat ng Albay Public Information Office, isinagawa ang hakbang matapos maitala ang serye ng lava flow collapse-fed pyroclastic density current noong Mayo 2 at Mayo 5, 2026. Nagdulot ang mga ito ng makapal na ashfall sa mahigit 80 barangay sa lalawigan.

Ipinanukala ang resolusyon ni Committee on Crisis and Emergency Management Chairperson Milagros Bal bilang bahagi ng agarang pagtugon ng pamahalaan upang protektahan ang kaligtasan ng mga residente.

Sa ilalim ng state of calamity, magkakaroon ng awtoridad ang mga apektadong lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang calamity funds para sa relief operations, evacuation, at rehabilitasyon. 

Patuloy namang ipinatutupad ng mga awtoridad ang mahigpit na safety protocols at koordinasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang insidente ng casualty sa lalawigan.

Share this