Pasay City, Philippines – Dumulog sa Senado, nitong Miyerkules ang ilang Filipino seafarers na inakusahan umano ng child pornography sa Estados Unidos.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, ipinaliwanag ni Earlson Jasmer Gamboa ng M/V Carnival Sunshine, isa sa 93 akusado na sumailalim sila sa inspeksyon ng US Customs and Border Protection nang tumigil sila sa Port of Norfolk, Virginia upang tingnan ang kanilang mga kagamitan na maaaring maglaman ng child pornography noong ika-21 ng Hulyo.
“Nung time na may dumating na isang lalaki na matangkad, armado din siya, ito ang move niya pagpasok niya…Dinirekta niya po ako na gusto niyang matapos kaagad ‘to, wala raw akong ibang gagawin kundi sagutin lahat ng itatanong niya,” ay kay Gamboa.
Paliwanag pa ni Gamboa, walang nakita ang mga tauhan US Customs na anumang senyales ng pornograpiya sa kanyang cellphone.
Dagdag pa nito, dineport pa rin sila at tahasang pinapirma ng dokumento nang walang anumang paliwanag.
Batay sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW), 93 marino ang na-deport ngayong taon mula sa US, pawang sakay ng cruise o passenger ships, at wala ni isa ang kinasuhan.
Noong Hulyo 21, 21 marino ang pwersahang pinaalis ng US Customs and Border Protection sa isang cruise ship sa Port of Norfolk; 17 sa kanila ang humingi ng tulong kay Senator Raffy Tulfo.
Giit ng mga marino, biktima sila ng selective enforcement.
Agaran namang ipinag-utos ni Tulfo sa Department of Foreign Affairs (DFA) na hingan ng ebidensya ang US Immigration laban sa mga inakusahan.
Tiniyak naman ng DFA at DMW na nakikipagugnayan na sila sa US upang mabigyang linaw ang insidente.
“Fina-follow up…hindi sumasagot ang immigration kasi walang criminal charge, basta deportation which is sovereignty daw nila. However, pangako namin, ni bagong Usec, we will follow up,” ani DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo De Vega.
Gayundin, kinumpirma ng DMW na walang ni isa sa mga tripulante ang kinasuhan.—JC Pancho, Contributor