DOH NAGBABALA SA CHILDHOOD OBESITY, FRONT-OF-PACKAGE WARNING LABELS SA MGA UNHEALTHY FOOD ISINUSULONG SA KAMARA 

Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Health (DOH) na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit sa mga bata ang pagkakaroon nila ng sobra sobrang timbang na hindi na angkop sa kanilang edad.

Itinuturong dahilan ng DOH kaya nagiging overweight at obese ang mga bata ay dahil sa pagkain ng mga ito ng unhealthy foods gaya ng junk foods o mga pagkaing mataas sa calories at asukal at mababa sa nutrients.

Ayon sa DOH maituturing itong Child Obesity na kung hindi maaagapan ay posibleng magdala ng health problems sa kanilang pagtanda gaya ng pagkakaroon ng hypertension, diabetes at heart disease.

Kaugnay nito, isang panukalang batas sa kamara ang isinusulong ngayon ni Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde na tatawagin bilang Healthy Food Environment Act o House Bill 7777.

Laman nito ang mga unhealthy foods na madalas nakakaengganyo sa mga bata lalo sa mga edad lima hanggang sampung taong gulang na sila ring natukoy bilang karaniwang sobra sa timbang.

Nakasaad sa inihaing panukala ang datos kung paano mabilis na tumaas ang porsyento ng mga batang overweight at obese sa nakalipas na mga taon.

Mula 5.7% noong 2003 naging 12.9% noong 2023 at kung hindi masosolusyunan inaasahan pa itong tataas ng 30% pagsapit ng 2030.

Sa ilalim ng ipinapanukala ni Atayde, layon nitong palagyan ng Front-of-Package warning labels ang mga pagkaing hindi masustansya para sa bata, bawasan ang mga advertisement ng mga unhealthy foods, pag-aalis sa mga child-directed marketing, child-centers setting, quality claim, pag sponsor ng mga unhealthy foods sa mga event ng mga bata at pagbabawal sa mga ito na bumili ng mga pagkaing mababa ang nutrisyon na  maaari lamang magsanhi ng pagiging overweight at obese.

Sa pagdinig ng Committee on Health sa HB 7777, binigyang diin ng kongresista ang kahalagahan ng panukala at ang agarang pagkakapasa nito para na rin bigyan ng proteksyon sa kalusugan ang mga bata gayundin ang mapagtuunang pansin ang kanilang nutrisyon. 

Idinagdag pa nitong, dito sa Pilipinas mas nabibigyan pa raw ng promotion sa mga digital platforms at social media ang mga unhealthy foods, kumpara sa mga masusustansyang pagkain.

Sa pamamagitan daw ng panukala sandaling maisabatas, maiwasan ang posibleng diskriminasyon ngunit higit sa lahat ang pagkakaroon ng non-communicable disease, cardiovascular disease, chronic respiratory condition at iba pang sakit.

Share this