P5K CASH RELIEF ASSISTANCE PARA SA MGA TRICYCLE DRIVERS, UMARANGKADA NA; PBBM BUMISITA SA DISTRIBUSYON

Manila, Philippines – Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng produktong petrolyo sa bansa, ramdam na ito ng maraming Pilipino mula sa iba’t ibang pampublikong sasakyan. 

Upang maibsan ito kahit papaano, ngayong araw nga ganap ng ipinamahagi sa 139,000 na tricycle driver sa buong Metro Manila ang P5,000 cash relief assistance (CRA) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, naniniwala ito na sa loob ng tatlong araw ay maipapamahagi ang P5,000 cash assistance sa 139,000 mula sa 17 Local Government Unit (LGUs) sa pamamagitan ng 30 sites sa inilaan ng ahensya. 

Dagdag pa ni Sec. Gatchalian, inuna ang mga tricycle driver sa NCR, sapagkat napakarami ng bilang ng mga ito, bukod dito ito raw ang pinaka apektado sektor ng krisis sa produktong petrolyo dahil maliit lamang kinikita ng mga ito.

Nakatakda naman na ipamahagi ang cash assistance ng mga jeepney drivers at TNVS sa Metro Manila sa susunod na linggo. 

Paalala naman ng kalihim na hindi kinakailangan na magsabay-sabay at dumagsa ang mga driver, may iba’t ibang schedule na nakalaan para sa pamamahagi ng cash aid.  

Ito ay upang hindi raw maantala ang pamamasada o byahe ng mga driver kaya’t mariin na sunod sa schedule na ibinigay ng kanilang mga LGU. 

Laking pasasalamat naman ng mga tricycle driver sa kanilang natanggap, malaking tulong na raw ito para sa kanilang pang-araw-araw na pasada. 

Para sa kanila, kahit hindi man sapat sa matagal na panahon ang ayuda, makatutulong pa rin ito upang mabawasan at maibsan ang kanilang gastusin lalo’t hindi lamang produktong petrolyo ang nagmahal sa panahon ngayon. 

Sa kabila naman malalaking ngiti, dismayado naman ang ilang mga tsuper na wala o hindi nakasama ang kanilang mga pangalan sa listahan. 

Depensa naman ng ahensya kung may mga driver na hindi makita ang kanilang mga pangalan sa listahan ngunit may license to operate mula sa kanilang mga city, magtungo lamang sa city hall ng kanilang lugar upang beripikahin ang kanilang mga pangalan.

Nagtalaga rin ang DSWD ng help-desk sa lahat ng payout centers, dito maaring lumapit ang mga drivers na may problema sa kanilang mga papeles upang agad na maayos at matugunan. 

Samantala, binisita naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., DSWD Secretary REX Gatchalian, Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez, San Juan Mayor Francis Zamora at Manila Mayor Isko Moreno at iba pa ang mga tricycle driver sa ASAC Covered Court sa Sta. Mesa, Maynila upang siguruhin na tuloy-tuloy ang pamamahagi ng tulong-pinansyal.

Layunin ng programang ito na maibsan kahit papaano ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa dahil sa epekto ng sigalot sa Middle East. 

Hinihikayat ng pamahalaan ang mga kwalipikadong tricycle driver na makipag-ugnayan sa kanilang lokal na pamahalaan upang malaman ang proseso at mga kinakailangang dokumento para sa pagkuha ng cash assistance.

Sa kabila ng tulong na ito, umaasa ang maraming tsuper na magkakaroon pa ng mga karagdagang programa ang pamahalaan upang patuloy na masuportahan ang kanilang araw araw na balakid.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this