BOC NASAMSAM ANG ₱53-M MISDECLARED NA GAMOT AT IBA PANG KALAKAL SA MICP

    Manila, Philippines – Aabot sa ₱53 milyong halaga ng misdeclared na pharmaceutical products at iba pang kalakal ang nasamsam ng Bureau of Customs o BOC sa Manila International Container Port.

    Pinangunahan ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon sa mga nakumpiskang kargamento na nagmula sa China at idineklarang pet cages.

    Gayunpaman, sa isinagawang spot check, nadiskubre ang mga hindi idineklarang gamot kaya agad inirekomenda ng Customs Intelligence and Investigation Service–MICP ang 100% physical examination.

    Sa isinagawang pagsusuri, tumambad ang 336 kahon ng pharmaceutical products na nagkakahalaga ng ₱33.367 milyon na walang kaukulang permit mula sa Food and Drug Administration o FDA.

    Bukod dito, nakumpiska rin ang 406 kahon ng iba’t ibang kalakal tulad ng electronics, cosmetics, automotive parts, at hardware na nagkakahalaga naman ng ₱19.692 milyon.

    Ayon sa BOC, ang mga nasabing kargamento ay lumabag sa Section 1400 o Misdeclaration in Goods Declaration kaugnay ng Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act o CMTA, at Republic Act 9711 o FDA Act of 2009.

    Share this