Manila, Philippines – Inatasan ng Department of Budget and Management ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na bawasan ang kanilang non-essential o hindi kinakailangang gastusin sa gitna ng patuloy na epekto ng krisis sa langis.
Ayon kay DBM Acting Secretary Rolando Toledo, target ng pamahalaan ang hindi bababa sa 20% na pagbawas sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ng mga ahensya.
Kabilang sa mga maaaring bawasan ang gastos sa biyahe, training, supplies, at maging sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng energy-saving measures.
Layunin ng hakbang na ito na makalikom ng pondo na gagamitin para sa mga programang tutugon sa epekto ng tumataas na presyo ng langis at iba pang global shocks.
Tinatayang aabot sa mahigit P25 bilyon ang maaaring matipid ng pamahalaan sa loob ng isang taon dahil sa naturang hakbang.
Binigyang diin ng DBM na hindi maaapektuhan ang mga frontline services at mahahalagang programa ng gobyerno, at sa halip ay ang mga discretionary o hindi prayoridad na gastusin lamang ang babawasan.
Dagdag pa ng kagawaran, bahagi ito ng mas malawak na plano ng pamahalaan upang masigurong may sapat na pondo para sa ayuda, transport assistance, at iba pang programa para sa mga sektor na apektado ng krisis sa langis.–Krizza Lopez, Eurotv News