Manila, Philippines – Nakapagtala ng panibagong pagtaas sa singil sa kuryente ang Manila Electric Company (MERALCO) ngayong buwan ng Abril, matapos itong mag-anunsiyo ng dagdag na ₱0.53 kada kilowatt-hour (kWh).
Ayon kay MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga, ang pagtaas ay dulot ng mas mataas na generation charge mula sa mga planta ng kuryente na pinanggagalingan ng kanilang suplay. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang patuloy na paghina ng piso laban sa dolyar, na may kaugnayan sa umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan.
Ipinaliwanag din ni Zaldarriaga na dahil hindi lumampas sa ₱1 ang dagdag-singil, ipatutupad ito nang isang bagsakan at hindi na hahatiin pa, alinsunod sa patakaran ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Dahil sa nasabing adjustment, inaasahang madaragdagan ng humigit-kumulang ₱107 ang buwanang bayarin ng mga konsyumer na gumagamit ng 200 kWh, habang aabot naman sa ₱267 ang dagdag para sa mga kumokonsumo ng 500 kWh.
Dagdag pa ni Zaldarriaga, posibleng magpatuloy ang pagtaas ng singil sa mga susunod na buwan, bunsod ng pagmahal ng langis at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.