Manila, Philippines — Nanawagan si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbitiw na sa kanyang posisyon matapos niya itong tawaging sinungaling at abusadong lider.
Sa isang kilos-protesta na dinaluhan ng kanyang mga tagasuporta, iginiit ng Bise Presidente na hindi niya kayang manahimik habang patuloy umanong nagdurusa ang mga Pilipino, kabilang na sa epekto ng pagbaha.
Sinabi rin niyang personal niyang nasaksihan ang umano’y pang-aabuso sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Giit pa ni Duterte, walang utang na loob si Pangulong Marcos sa mga Pilipinong bumoto at nagluklok sa kanya sa posisyon.
Inakusahan din niya ang Pangulo ng paggamit umano ng ilegal na droga.
Mensahe naman ni Duterte sa kanyang mga tagasuporta na huwag huminto sa pakikipaglaban laban sa umano’y pang-aabuso at korapsyon sa kasalukuyang administrasyon.
Dumiretso si Vice President Duterte sa rally ng kanyang mga tagasuporta matapos ma-postpone ang kanyang arraignment sa Quezon City Regional Trial Court.
Hanggang sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na reaksyon ang Malacañang kaugnay sa mga akusasyong ibinato ni Duterte sa kanyang dating running mate na si Pangulong Marcos.—Krizza Lopez, Eurotv News