SEN. PADILLA, NANINDIGANG HINDI ITINAKAS SI SEN. DELA ROSA SA KABILA NG DOJ SUBPOENA

Manila, Philippines — Natutuwa pa si Senator Robin Padilla sa natanggap niyang subpoena mula sa Department of Justice o DOJ kaugnay ng reklamong obstruction of justice laban sa kanya.

Ayon kay Padilla, nag-ugat ang kaso sa kanyang pagtutol sa mga dayuhan, partikular na sa International Criminal Court o ICC sa The Hague, Netherlands.

Sinabi ng senador na hindi niya ikinalulungkot ang pagkakasangkot niya sa kaso.

Personal din umanong haharapin ni Padilla ang kaso sa kabila ng payo ng kanyang abogado na hindi na niya kailangang humarap sa pagdinig.

Giit ng senador, iginagalang niya ang mga opisyal na namamahala sa DOJ.

Sa kabila ng reklamong isinampa laban sa kanya, sinabi ni Padilla na wala siyang pinagsisisihan kaugnay sa pagkakasangkot niya sa pag-alis ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa mula sa Senado.

Nanindigan pa ang senador na walang naganap na pagtakas.

Ayon kay Padilla, sumakay lamang si Dela Rosa sa kanyang sasakyan noong madaling araw ng Mayo 14.

Inihain ng Philippine National Police o PNP sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1829, o Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders. 

Panawagan naman ni Padilla, dalhin na lamang sa ICC ang kanyang kaso.

Sinabi rin ni Padilla na matapos bumaba si Dela Rosa sa kanyang sasakyan noong Mayo 14, hindi na sila muling nagkaroon ng komunikasyon ng kapwa senador.

Samantala, kinumpirma ng kampo ni Padilla na natanggap na nila ang subpoena mula sa DOJ kaugnay ng reklamong obstruction of justice.

Inatasan si Padilla na humarap sa panel of prosecutors at magsumite ng kanyang counter-affidavit at mga supporting documents sa Setyembre 25 at Oktubre 9. 

Giit ng kanyang abogado, susunod ang kampo ni Padilla sa mga ipinag-uutos ng DOJ at maghahain sila ng kanilang counter-affidavit.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this