27 CREW NG MV TRANSWORLD NAVIGATOR, LIGTAS MULA SA ‘HOUTHI ATTACK’

Tatlong beses inatake ngunit nasa maayos at ligtas nang kondisyon ang 27 Pilipinong crew na sakay ng bulk carrier na MV Transworld Navigator, ang pinabagong insidente ng pag-atake ng Houthi rebels sa Red Sea.

Sa isang pahayag, kinumpirma ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na wala na sa high-risk area ang bulk carrier ship at ngayo’y ligtas na ang lahat ng crew nito, na puro mga Pilipino.

Ani Cacdac, wala pang hawak ang kanilang ahensya tungkol sa eksaktong oras kung kailan nangyari ang insidente ngunit kinumpirma nito na tatlong beses na inatake ang naturang bulk ship.

Sa kabila nito, nilinaw ng kalihim na hindi matindi ang naging epekto ng pag-atake at hindi sumapat para maging immobile ang vessel, kung ikukumpara sa nangyari sa MV Tutor na kinailangang huminto at kalaunan ay lumubog.

Wala ring nasaktan sa 27 Pilipinong crew, ngunit tinitingnan na ng ahensya ang posibilidad ng repatriation para sa kanila sa sandaling makadaong ng ligtas ang bulk carrier ship.

Samantala, nauna nang naglabas ng mandato ang gobyerno ng Pilipinas na nagbabawal o naglilimita sa mga Pilipinong crew na bumyahe at sumakay sa mga vessels na dadaan sa Red Sea at sa Gulf of Aden kung saan nangyayari ang mga pag-atake.

Sa abiso ng DMW, obligado na ang mga manning agency na magsumite ng “written guarantee” na ang mga Pilipinong pasahero at crew ng cruise vessels ay hindi babyahe at dadaan sa Red Sea at Gul of Aden.

Bukod pa ito sa kakailanganing “detailed itinerary” na kailangang isumite ng mga manning agencies habang nagpo-proseso ng aplikasyon at kontrata ng crew at bago ang kanilang magiging deployment.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share this