DMW, TINAASAN ANG FINANCIAL AID SA MGA DISTRESSED OFWs

Manila Philippines –– Tinaasan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang financial assistance para sa mga distressed na Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.

Sa bisa ng Department Order No. 5 nakasaad ang karagdang aid sa ilalim ng Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFWs na Nangangailangan o (AKSYON) Fund ng DMW.

Kabilang sa tutugunan ng DMW ay ang legal, medical, financial at ilan pang uri ng tulong sa mga OFW, gayundin ang repatriation, pagpapauwi ng mga labi, evacuation, rescue at iba pang uri ng pagpoprotekta sa karapatan ng mga Pilipino.

Mula sa dating P30,000 na finacial assistance, itinaas na sa P50,000, P75,000, at P100,000 ang pinansyal na tulong ng DMW depende sa uri ng kanilang pangangailangan at pinagdaanan habang nasa ibang bansa.

Partikular na rito ang sapilitang pag-papauwi, o paglilikas sa gitna ng economic downturn, natural na kalamidad, human-trafficking at iba pang uri ng hindi inaasahang sitwasyon.

Ayon sa DMW ito ay bilang bahagi nila ng pagtitiyak na napoprotektahan ang mga OFWs.

Share this