Manila, Philippines – Sa anunsyo ng Office of the Vice President (OVP) nitong Sabado, kinumpirma ang pagkaka-discharge kay OVP Aide Atty. Zuleika Lopez sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Sabado, 6:30 p.m.
Ang kanyang pagkakadischarge ay kasabay ng pagtatapos ng kanyang sampung araw na detention period para sa contempt citation na ipinataw sa kanya.
Bunsod ito ng umano’y “undue interference in the proceedings” kaugnay ng imbestigayon sa umano’y maanumalyang paglustay ng confidential funds ng OVP.
Matatandaan na isinugod sa ospital si Lopez noong ika-23 ng Nobyembre kasunod ng mga panic attacks makaraang magbaba ng desisyon ang kamara na ilipat sya sa Correctional Institute for Women (CIW) para sa kanyang detensyon.
Ang kanyang confinement ay nasundan ng mga alegasyon ng mistreatment sa kanya ng mga tauhan ng hosue detention facility na napatunayang hindi totoo ang mga kuha ng CCTV.
Dahil dito kaya naging sampung araw ang kanyang detention period para sa cotempt citation sa halip na limang araw lamang.
Samantala, dahil na rin sa epekto ng mga naging pangyayari, nauna na ring nagpahayag si Lopez ng pagbibitiw sa pwesto, na tinanggap na rin daw ni Vice President Sara Duterte.