Manila, Philippines — Makaraang maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado, na-ratify na rin ng Mataas na Kapulungan nitong ika-4 ng Pebrero ang Bicameral Conference Committee Report na iniuurong sa Oktubre ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.
Ayon kay Senator Joseph Victor “JV” Ejercito, na author at sponsor ng panukalang batas, pinagtibay na ng Senado ang naging report ng bicam committee, na nagtatakda ng reconciled bill na napagkasunduan ng Senado at Kamara.
Sa ilalim nito, inadopt ng bicam committee ang bersyon ng Senado na i-atras sa Oktubre 12, 2025 ang BPE, sa halip na kasabay ng midterm elections ngayong Mayo.
Ang susunod na eleksyon sa BARMM ay isasabay sa 2028 National and Local Elections, at gaganapin kada tatlong taon pagkatapos nito.
Mananatili din ang kasalukuyang Bangsamoro Transition Authority bilang interim government sa BARMM hanggang sa maihalal ang mga papalit sa kanila sa pwesto.
Sa ilalim din ng napagkasunduang panukala, kailangang i-disburse ng pamahalaan ng BARMM ang bahagi ng Probinsya ng Sulu sa annual block grant alinsunod sa tuntunin ng Department of Budget and Management.
Dagdag pa rito, hindi na tatanggap ang Commission on Elections ng mga hahabol ng filing sa pagkandidato, at tanging ang mga nakapasumite lamang mula ika-4 hanggang ika-9 ng Nobyembre ang awtomatikong ituturing bilang mga kandidato at nominees.
Hindi naman saklaw ng mandatong ito ang mga pwestong nakalaan para sa lalawigan ng Sulu.