Manila, Philippines — Walo sa 12 kandidatong inendorso ng adminstrasyon para sa pagka-senador ang nangunguna sa preferred senators list ng Social Weather Stations survey.
Sa resulta ng SWS Voter Preference for Senators na inilabas ngayong Huwebes, nanguna pa rin sa listahan si ACT-CIS reprsenative Erwin Tulfo na may 45% voter preference nitong Enero 2025.
Wala itong ipinagbago mula sa rank 1 at 45% nyang voter preference noong Disyembre 2024.
Pumangalawa naman ang isa pang admin-endorsed senatorial candidate na si dating Senate President Tito Sotto na may 38%, at sinundan sa pangatlong pwesto ni Senador Lito Lapid na may 37%.
Kabilang pa sa walong senatorial candidates ng administrasyon na nanguna sa SWS results sina dating senador Ping Lacson na Rank 5 at may 35%; Rank 7-8 na senator Pia Cayetano at Manny Pacquaio na kapwa may 33%; Makati Mayor Abby Binay sa rank 9; at senador Ramon Bong Revilla Jr. na nasa rank 11-13.
Samantala, pasok din sa top 12 list sina senador Bong Go na may 37%; Ben Tulfo na may 34%; senador Bato Dela Rosa na may 30%; Willie Revillame at Kiko Pangilinan na may 29%.
Ang naturang survey ay face-to-face interviews sa 1,800 na rehistradong botante nationwide, at isinagawa noong ika-17 hanggang ika-20 ng Enero.