MANILA, PHILIPPINES – Isang House Resolution ang inilabas ni Agri-Partylist Representative Wilbert Lee na naglalayong imbestigahan ng kongreso ang maanomalyang pamamaraan ng isang hospital sa kanilang mga pasyente na hindi nakakabayad ng bill.
Sa inihaing resolusyon ni Lee, binigyang diin nito ang labag sa batas na palit-ulo na ginawa ng ilang opisyal ng Allied Care Experts (ACE) Medical Hospital sa Valenzuela sa kanilang mga pasyente.
Kung saan hindi nila pinalalabas ang kanilang mga pasyente sa loob ng ospital kung hindi nakakumpleto ng kabuuang bayad maliban kung may kapalitan sa loob kabilang na rito ang hindi agad pag-isyu ng death certificate ang mga nasawing pasyente.
Ayon kay Lee [m]alinaw daw itong [may pananagutan sa batas partikular na] Serious Illegal Detention at Slight Illegal Detention sa ilalim ng Revised Penal Code.
Kaya naman suportado nito ang paglalabas ng Valenzuela Metropolitan Trial Court Branch 109 ng warrant of arrest laban sa ilang mga opisyal ng Ospital na sangkot sa palit ulo scheme.
Sa pamamagitan din daw nito may mananagot sa batas at mabibigyan ng hustisya ang mga naging biktima.
“Dapat may masampolan agad sa mala-demonyong gawaing ito para matigil na at hindi pamarisan ng iba. ‘Yung gumagawa nito ang dapat ipakulong. Isipin po ninyo: namatayan na nga’t nagluluksa, ikukulong pa nila sa ospital,” ani Lee sa isang pahayag.
Binigyang diin pa ng Kongresista na ang pangyayaring ito ay dapat na bigyan ng masusing imbestigasyon sa Kongreso upang malaman kung gaano na ito katagal nangyayari.
“Dapat lang na agarang maimbestigahan ng Kongreso ang ilegal na gawaing ito para alamin kung gaano na ito katagal nangyayari at kung ilan pang mga ospital ang gumagawa nito. Malamang, marami pang unreported cases kaugnay nito, at umaasa tayo na lalabas pa ang ibang mga biktima para ipahayag ang kanilang karanasan” dagdag pa ni Lee
Si Lee ay isa sa mga nagsusulong sa mga karapatan ng mga pasyente sa ospital gaya na lang ng unlimited coverage para sa dialysis, cancer treatment, heart bypass surgery at iba.
Naipasa rin nito kamakailan ang 30% increase ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) benefit sa mga miyembro nito.
Samantala, naglabas naman si Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian ng Anti-Hospital Detension Ordinance sa lungsod na nagbabawal na i-detain ang mga pasyenteng hindi makababayad ng bill.
Sa ilalim nito dapat na maglabas ng birth certificate at death certificate sa mga pasyente kahit hindi pa nakakumpleto ng bayad.
Sakop din nito ang pag papataw ng karampatang parusa sa chairman, president, medical director, manager o management ng ospital sakaling lalabag ang mga ito sa kaugnay na kaso.
Ang sinumang lalabag dyan ay maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa P200,000 hanggang P400,000 at maaari ring masusupinde operasyon ng ospital.