ANGAT DAM, BUMABA SA BELOW CRITICAL LEVEL ANG ANTAS NG TUBIG

Manila, Philippines – Bumaba na sa below critical level ang antas ng tubig sa Angat Dam sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo, ayon sa monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa tala ng PAGASA alas-8:00 ng umaga nitong Martes, Hunyo 30, nasa 159.95 metro na lamang ang water level ng dam, matapos itong bumaba ng 76 sentimetro mula sa naitalang 160.71 metro noong nakaraang araw. Ang kasalukuyang antas ay mas mababa na sa 160-meter critical level na itinakda sa ilalim ng interagency operating protocol ng National Water Resources Board (NWRB) para sa Angat Dam.

Ayon sa PAGASA, ang pagbaba ng lebel ng tubig ay dulot ng mas mababang dami ng ulan kaysa inaasahan sa Angat watershed. Sa kasalukuyan, halos 50 metro na rin itong mas mababa kumpara sa normal high water level ng dam na 210 metro.

Matatandaang noong 2019 water crisis, binawasan ng mga awtoridad ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila nang bumaba rin sa ibaba ng critical level ang water level ng Angat Dam. Huling naitala ang ganitong antas noong 2010 at 2019, na kapwa panahon ng El Niño.

Sa kabila nito, inaasahan ng PAGASA na magsisimula nang makabawi ang antas ng tubig sa Angat Dam pagsapit ng ikalawa o ikatlong linggo ng Hulyo, kasabay ng pagdami ng pag-ulan dulot ng panahon ng habagat.

Batay sa pagtataya ng ahensya, maaaring umabot sa 176.33 metro ang water level ng Angat Dam bago matapos ang Hulyo, kung magpapatuloy ang inaasahang pag-ulan at nakaplanong alokasyon ng tubig.

Share this