ANTAS NG INFLATION RATE NOONG HULYO, BUMAGAL SA 6.2% — PSA

Manila, Philippines — Bahagyang bumagal ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong buwan ng Hulyo, dahilan para bumaba sa 6.2% ang inflation rate, ayon sa Philippine Statistics Authority o PSA.

Batay sa datos ng PSA, pangunahing nag-ambag sa pagbagal ng inflation ang sektor ng transportasyon.

Kabilang dito ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng gasolina at pamasahe sa tricycle.

Nakatulong din sa pagbagal ng inflation ang mas mababang pagtaas ng bayarin sa education services.

Nag-ambag din ang mas mabagal na pagtaas ng presyo sa restaurant at accommodation services.

Sa kabilang banda, nananatiling pangunahing dahilan ng paggalaw ng inflation ang sektor ng pagkain at mga hindi nakalalasing na inumin.

Partikular na tumaas ang presyo ng bigas, dilis, at kamatis.

Ayon kay PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa, tumaas pa rin ang presyo ng regular milled rice kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Bagama’t bumaba ang presyo nito kumpara sa nakaraang buwan, nananatili pa rin itong mas mataas sa year-on-year basis.

Malaki rin ang naging ambag ng bayarin sa kuryente, renta sa bahay, at presyo ng liquefied petroleum gas o LPG sa galaw ng inflation.

Kasama rin sa mga nakaapekto ang presyo ng gasolina, diesel, at pamasahe sa tricycle.

Sa Metro Manila, naitala ang 4.4% inflation rate noong Hulyo, mas mababa kumpara sa 4.9% noong Hunyo.

Ayon sa PSA, ang mas mabagal na pagtaas ng renta sa bahay, presyo ng LPG, at bayarin sa kuryente ang nag-ambag sa pagbagal ng inflation sa National Capital Region.

Samantala, umabot naman sa 6.7% ang inflation rate sa mga lugar sa labas ng NCR.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this