ARRAIGNMENT NI VP SARA SA KASONG GRAVE THREAT, MULING IPINAGPALIBAN NG KORTE

Manila, Philippines — Muling ipinagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang nakatakdang arraignment ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa kasong grave threat ngayong araw ng Biyernes.

Personal na humarap si Vice President Duterte sa QC RTC para sa kanyang arraignment.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paul Lawrence Lim, minabuti ng huwes na huwag munang ituloy ang arraignment ng Bise Presidente.

Ito na ang ikalawang beses na ipinagpaliban ang nakatakdang arraignment ng Bise Presidente, na orihinal na nakatakda noong Setyembre 11.

Giit ni Atty. Lim, nagdesisyon ang presiding judge na huwag munang ituloy ang arraignment upang mapag-aralan pa ang nakabinbing motion for partial reconsideration ad cautelam sa RTC at petition for certiorari sa Korte Suprema.

Ayon kay Lim, naghain ng motion for partial reconsideration ang kampo ng depensa upang kumbinsihin ang presiding judge na baligtarin ang bahagi ng nauna nitong utos na tumatanggi sa kanilang hiling na mag-inhibit o kumalas sa kaso ang huwes.

Sa nakaraang pagdinig, bagamat ibinasura ng huwes ang mosyon para sa kanyang inhibition, pinagbigyan naman nito ang hiling ng depensa na ipagpaliban muna ang arraignment.

Kasabay nito, lumapit na rin ang kampo ni Duterte sa Korte Suprema upang humiling ng temporary restraining order (TRO) kaugnay ng naturang kaso.

Nag-ugat ang kasong grave threat laban kay Duterte sa kanyang pahayag na mayroon na siyang kinontratang gunman na umano’y papatay kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa Bise Presidente, ito ay kung sakaling mauna siyang ipapatay dahil sa mga natatanggap umano niyang banta.

Kinasuhan si Duterte ng Department of Justice ng tatlong bilang ng grave threat noong Agosto 11, kasunod ng rekomendasyon ng National Bureau of Investigation.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this