Nitong Lunes, inaresto na si dating House Speaker Martin Romualdez dahil sa kasong plunder na may kaugnayan sa flood control project corruption.
Kahit nakaconfine sa Cardinal Santos Medical Center, isinilbi pa rin ng mga otoridad ang warrant of arrest, binasahan ng miranda rights, kinuhanan ng biometrics, at maging ang mugshot.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, nasa ilalim na ng Criminal Investigation and Detection Group ang kustodiya ni Romualdez.
Sa ngayon, ipatutupad ang hospital detention kay Romualdez.
Pagtitiyak ni Remulla, mayroong dalawang armadong otoridad ang nagbabantay sa labas ng kanyang kwarto.
Limitado lamang ang kanyang galaw sa bahagi ng ospital nakailangan niyang pumunta.
May nakabantay rin daw na mga otoridad sa lobby ng ospital at maging ang bantay na patrol sa labas ng building.
Giit ng kalihim, may kakayahan si Romualdez na tumakas.
Nagkasundo raw ang doktor ni Romualdez at doktor ng PNP Camp crame na hindi pa stable ang lagay ni Romualdez dahil sa kanyang Cerebral cardiovascular event.
Sa oras daw na maging stable na ang lagay ng dating house speaker, agad na ililipat si Romualdez sa PNP Camp Crame kung saan makatatanggap pa rin siya ng atensyong medikal.
Samantala, ayon kay Remulla, hindi pa sila nagkakaroo ng pag-uusap ni Pangulong Ferdinand Marcos, ngunit nakapagpadala na siya ng report sa Malacañang kaugnay sa nangyari.
Wala rin daw bilin ang pangulo kaugnay sa pagtrato sa kanyang pinsan sa oras na dalin na ito sa kanyang kulungan.
Si Romualdez ay sangkot sa flood control project controversy, kung saan lumabas sa mga iba’t ibang imbestigasyon ang pagtanggap ng mga kickback ng ilang mambabatas mula sa mga kontractor.
Bukod kay Romualdez, hinahanap pa rin hanggang ngayon ng mga otoridad si dating ako bicol representative Zaldy Co na sangkot din sa korapsyon.