Manila Philippines – Walang naitalang ulat na Pilipinong nasaktan sa lindol na yumanig sa Noto Peninsula sa Japan gayundin sa nangyaring pag guho ng isang imprastraktura sa Jeddah, Saudi Arabia, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Iniulat ng Japan Meteorological Agency (JMA) na naganap ang naitalang 4.8 magnitude lindol noong 6:40 am sa labas ng Noto Peninsula na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Ishikawa Prefecture sa Honshu.
Patuloy na nakikipagtulungan naman na ang MWO-Osaka at mga awtoridad ng Japan sa mga Filipino communities upang tiyakin ang kaligtasan at katayuan ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa rehiyon.
Samantala, wala ng naitalang nasaktan mga Pilipino o OFWs sa nangyaring pag guho ng isang gusali sa Jeddah noong ika-tatlong pu’t isa ng Mayo.
Sinabi ng MWO-Jeddah kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na binisita nila ang lugar ng insidente at ilang kalapit na ospital upang suriin kung may mga Pilipinong dinala doon para gamutin.
Ayon naman sa ilang report ng local media sa lugar na hindi bababa sa walong tao ang nailigtas mula sa gumuhong imprastraktura.
Sinisiguro man ng MWO-Jeddah na patuloy nilang imomonitor ang sitwasyon at ang pakikipagugnayan sa Jeddah Police, medical, at emergency services para tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino.