Quezon City, Philippines — Huli sa CCTV ng Barangay Bagong Pag-asa sa Quezon City ang tatlong kabataang tila pinaglaruan ang bagong inilunsad na Emergency SOS Button ng barangay.
Sa kuha ng CCTV, makikitang paulit-ulit na pinipindot ng mga kabataan ang emergency button na nakalaan para sa mabilisang pagresponde sa mga emergency situation. Makikita rin ang pag-ikot ng mga ito sa lugar kung saan nakapuwesto ang iba pang SOS emergency button bago muling pindutin ang mga ito at tumakbo matapos mag-alerto ang system.
Dahil dito, agad na ipinatawag ni Barangay Captain Chinggay Bilaos ang mga sangkot sa insidente at binigyan ng warning kaugnay sa kanilang naging aksyon.
Nagpaalala rin ang barangay sa publiko hinggil sa tamang paggamit ng Emergency SOS Button at nagbabala sa sinumang maaaring gumawa ng kaparehong insidente upang hindi na ito maulit.
Ayon pa sa barangay, malaking alalahanin ang maling paggamit ng emergency system dahil maaari itong makaapekto sa agarang pagresponde sa mga totoong nangangailangan ng tulong.