‘GINHAWA GO’ LOAN INILUNSAD NG GSIS PARA SA MGA GOV’T EMPLOYEES

Manila, Philippines – Inilunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang Ginhawa Go, isang short-term micro-loan facility na layong magbigay ng mabilis, ligtas at abot-kayang pautang para sa agarang pangangailangan ng mga kawani ng gobyerno.

Ayon kay GSIS President at General Manager na si Jose Arnulfo Veloso, ang programa ay isang “loan on the go” na dinisenyo upang maging maginhawa, mabilis at secure para sa mga miyembro nito.

Binuo umano ang programa upang tugunan ang kakulangan sa access sa short-term at transitional credit ng mga government worker.

Samantala, binigyang-diin ni Finance Secretary Frederick Go ang kahalagahan ng accessible microcredit upang maiwasan ang pagkalubog ng mga manggagawa sa utang dahil sa mataas na interes ng mga predatory lender.

Sa panig naman ni GSIS Board Chairperson Rodolfo del Rosario Jr., kinikilala ng programa ang pangangailangan ng mga miyembro sa agarang access sa credit upang maayos na mapamahalaan ang kanilang pananalapi.

Sa ilalim ng Ginhawa Go, maaaring umutang ang mga miyembro ng halagang mula PHP1,000, PHP2,000, PHP3,000 o PHP4,000 na babayaran sa loob ng 30, 60 o 90 araw. Para sa mas mataas na halaga, maaaring humiram mula PHP5,000 hanggang PHP50,000 na may payment terms na tatlo, anim, 12, 18 o 24 buwan.

Ang micro-loan tier ay nagpapahintulot ng pangungutang sa multiples ng PHP1,000 na babayaran sa loob ng isa hanggang tatlong buwan, habang ang standard tier ay nasa multiples ng PHP5,000 na may mas mahabang termino ng pagbabayad.

Ang interest rate ay 6% kada taon para sa mga miyembrong may hindi bababa sa tatlong taong hulog, at 7% naman para sa may mas mababa sa tatlong taong kontribusyon at special members.

Batay sa amortization schedule, ang PHP1,000 na uutangin at babayaran sa loob ng 30 araw sa 6 porsiyentong interes ay may kabuuang hulog na PHP1,005. Kung babayaran naman sa loob ng 60 araw, aabot sa PHP505 kada buwan ang hulog.

Ibabawas na agad ang interes at iba pang kaukulang bayarin tulad ng 1 porsiyentong service fee at Loan Redemption Insurance (LRI). Sa ilalim ng LRI, hindi na ipapasa sa pamilya ng borrower ang natitirang balanse sakaling ito ay pumanaw o magkaroon ng total permanent disability.

Bukas ang loan program sa mga aktibong miyembro na may hindi bababa sa isang buwang hulog at maaari lamang mag-apply sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile application. Ayon sa GSIS, e-credited ang loan proceeds sa loob ng 24 hanggang 36 oras matapos maaprubahan ng Authorized Approving Officer.

Papalitan ng Ginhawa Go ang naunang Ginhawa Lite at inaasahang makikinabang dito ang mga bagong empleyado, low-income earners at mga miyembrong may limitadong borrowing history na hindi sapat na natutugunan ng tradisyunal na loan products ng ahensya.

Share this