Naglabas ng abiso ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Tagum sa mga residenteng nakatira malapit sa Saug River, Hijo River at Tagum-Liboganon River na lumikas muna pansamantala sakani-kanilang mga kabahayan matapos na maobserbahang ang pagtaas ng tubig sa mga ilog dahilan para ideklara itong nasa critical level bunsod ng tuloy tuloy na pag-ulan.
Batay sa CDRRMO as of 9:00am kaninang umaga, nakataas na sa alert level 2 ang ilan sa nabanggit na ilog sa Tagum na hanggang sa mga oras na ito ay patuloy pa ring binabantayan.
Batay sa PAGASA, epekto ng shearline at easterlies ang nararanasang pag-ulan sa kalakhan ng Davao Del Norte kung saan naaapektuhan ang Tagum.
Sa ngayong nakasailalim sa Yellow warning ang lungsod kaya’t asahan ang posibleng mga pagbaha sa mabababang lugar at landslide sa kabundukan.
Ayon sa CDRRMO, 13 barangay sa Tagum ang apektado ng malakas na pag-ulan kaya’t hinikayat ang mga residente na makipag-ugnayan na sakanilang DRRMC para sa pre-emptive evacuation.
Batay sa Rainfall Forecast ng PAGASA sa susunod na 24 oras mula kaninang alas-11 ng umaga hanggang bukas at sa Linggo, makararanas ng katamtaman hanggang sa malalakas na pagbuhos ng ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang Davao Del Norte.
Posible rin daw ang malawakang pagbaha sa urbanized at low lying areas partikular ang mga nakatira malapit sa ilog.
Ang mga probinsya rin sa Caraga Region at Davao Region ayon sa PAGASA gaya ng Dinagat Islands, Surigao Del Norte, Agusan Del Norte, Surigao Del Sur, Agusan Del Sur, at Davao Oriental ay makararanas rin ng parehong sitwasyon bukas hanggang sa susunod na dalawang araw.
Sa ngayon nagsasagawa na ang Search and Rescue (SAR) team ng CDRRMO ng mandatory evacuation sa mga residente ng Area 6 at Area 6A ng Brgy. Apokon, Tagum City.
Nakahanda na rin ang iba pa nilang cluster member para agad na marespondehan ang iba pang mangangailangan ng tulong.
Samantala naglabas din ng abiso ang CDRRMO ng Tagum na ilang kalsada ang pansmantalang hindi madadaanan dahil sa baha.
Doble pag-iingat naman sa mga daang madaraanan pa rin ngunit nagkaroon ng bahagyang pinsala.
Itinaas naman na ng CDRRMO Tagum sa blue alert status ang kanilang operation center para sa mas mabilis at agarang pag responde.