MANILA, PHILIPPINES – Naglabas na ng opisyal na pahayag ang City Tourism and Cultural Affairs Office ng pamahalaang lungsod ng San Juan hinggil sa kaguluhan na nangyari sa selebrasyon ng basaan festival matapos umani ng mga negatibong reaksyon mula sa mga netizen.
Sa ilang video kase na makikita, tila hindi nakontrol ng mga residente doon ang kanilang sarili sa pangbabasa sa mga sasakyang dumaraan.
Kaya naman ang iba hindi ito ikinatuwa, dahilan para pumalag sa mga nambabasang kabataan.
Agad naman nag viral online ang mga video na yan sa iba’t ibang social media platform na tumawag ng pansin sa lokal na pamahalaan ng San Juan.
Umabot na raw sakanilang pamunuan ang ilang mga ulat na kaguluhan na naganap sa basaan festival o kapistahan ng kanilang Patron na si San Juan Bautista.
Humingi naman ang lungsod ng paumanhin sa lahat ng mga naapektuhan ng kaguluhan kasabay ng pangako sa seryosong tugon sa lahat ng reklamong nakarating sakanila.
Sa ngayon nangangalap na ng mga ebisdensya na magpapatibay sa mga reklamo ang San Juan LGU.
Ang mga video naman daw na naisumite na sakanila ay dumadaan na rin sa masusing pagsusuri upang matukoy ang mga lumabag sa City Ordinace na kanilang ipinatutupad na una na nilang inilabas bago pa ang naturang selebrasyon.
Kabilang sa ordinansa ang ilang mga alituntunin gaya ng pagbabawal sa pwersahang pagbubukas sa mga pampubliko at pribadong sasakayan para makapambasa, pananakot o pananakit ng kapwa indibidwal, pag-uga ng mga sasakyan na dumaraan, pagpasok sa loob ng mga PUV’s para manghagis ng tubig at iba pa.
Nakasaad din sa naturang ordinansa ang mga maaaring kaharapin ng mga mapatunayang lumabag.
Samantala, hinikayat naman ng lungsod ang sinumang indibidwal na may video o pruweba ng paglabag sa naturang ordinansa na isumite ito sa City Tourism and Cultural Affairs Office na ipapasa naman sa San Juan City Police Station upang matukoy ang pagkakakilanlan para sa karagdagang imbestigasyon at legal na aksyon.
Ang Wattah Wattah o Basaan Festival ay isang relihiyosong pagdiriwang na bahagi na ng kulturang tradisyon ng San Juan na taunang ginugunita.
Simbolo ang naturang basaan sa biyaya at tagumpay ng siyudad gayundin ang pagkilala kay St. John the Baptist.
Matatandaang dalawang taon ding nahinto ang basaan festival dahil sa pandemya.