Manila, Philippines — Pormal nang ipinagbabawal ng Bureau of Immigration ang pagkakaroon ng lay-over sa mga deportation flights ng mga puganteng foreign nationals na sangkot sa POGO.
Alinsunod sa BI Board of Commissioners Resolution No. 2025-002, tanging mga direct flights na lamang ang pahihintulutang flights para sa mga deportees na may kaugnayan sa ilegal na POGO.
Ang direktibang ito, ipatutupad sa lahat ng mga deportation flights, maliban na lamang kung walang direct route exists mula sa Pilipinas patungo sa kani-kanilang bansa.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, ang polisiya na ito ay isang hakbang upang mapababa ang mga oportunidad ng mga naaresto na mapalawak ang kanilang mga operasyon sa iba pang bansa sa Asya.
Pinasalamatan din ni Viado ang mga senador na nagbigay ng rekomendasyong ito upang mas mapaigting pa ng ahensya ang kanilang mga polisiya para masawata ang mga posibleng loophole pagdating sa deportasyon.
Kaugnay pa nito, nakikipagtulungan na anila ang BI sa Department of Justice, maging sa mga airlines at mga embahada, para sa mas epektibo at mas maigting na pagpapatupad ng naturang direktiba.