LIBRE NA ANG MEDICAL AT COURIER FEES PARA SA LICENSE RENEWAL NG MGA OFW

Manila, Philippines – Malaking ginhawa at bawas-gastos ang hatid ng Land Transportation Office (LTO) sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos ipag-utos ang pag-waive o pag-alis ng bayad sa medical examination at courier services para sa renewal ng kanilang driver’s license.

Sa ilalim ng bagong memorandum na inilabas ng LTO, layunin ng programa na gawing mas madali, mabilis, at abot-kaya ang proseso ng license renewal para sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng mga Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) caravans na inilulunsad sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ayon kay LTO Chief at Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang inisyatibong ito ay pagkilala sa mahalagang kontribusyon at sakripisyo ng mga migranteng manggagawa, alinsunod din sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Dati, umaabot sa halos ₱6,000 ang nagiging gastos ng mga OFW para sa medical examination at courier services upang maipadala ang kanilang lisensya mula Pilipinas patungo sa ibang bansa. Sa ilalim ng bagong patakaran, ganap nang tinanggal ang mga nasabing bayarin.

Kasama sa libreng serbisyo ang medical examination na isinasagawa mismo sa loob ng caravan at ang courier service kung saan ang mga naprosesong lisensya ay ipapadala nang walang bayad mula Pilipinas patungo sa piling tanggapan ng OWWA, DMW, o Embahada ng Pilipinas, kung saan maaaring kunin ng mga OFW ang kanilang lisensya.

Dahil sa mobile services at caravans ng LTO na isinasagawa katuwang ang DMW at OWWA, hindi na kinakailangang umuwi pa ng Pilipinas ang mga OFW upang mag-renew ng kanilang driver’s license, kaya’t malaking tipid sa pamasahe at oras.

Ang naturang hakbang ay tugon sa matagal nang hinaing ng mga OFW hinggil sa logistical at financial burden sa pagpapanatili ng kanilang Philippine driver’s license, na mahalaga rin sa kanilang trabaho sa ibang bansa.

Nilinaw ng LTO na ang libreng serbisyo ay eksklusibong ipatutupad sa mga opisyal at awtorisadong caravan ng pamahalaan upang matiyak ang kalidad, seguridad, at integridad ng transaksyon.

Share this