LTFRB, PAPAYAGANG I-EXTEND ANG CONSOLIDATED PUV FRANCHISES

Manila, Philippines – Papayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pag-eextend ng consolidated public utility vehicle o PUV franchises lampas sa karaniwang limang taong termino.

Ayon kay LTFRB Chairman Vigor Mendoza II, maaaring palawigin ang mga prangkisang naaprubahan sa loob ng limang taon, depende sa financing terms ng mga operator.

Paliwanag ni Mendoza, layon ng bagong polisiya na mabawasan ang mga administratibong pagkaantala, lalo na habang lumilipat ang ahensya sa digital processing ng mga aplikasyon.

Binigyang-diin din ng LTFRB chairman na mahalaga ang isinasagawang roadworthiness inspection ng mga PUV upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, kasabay ng pagpapanatili ng maayos na pampublikong transportasyon.

Samantala, pinaigting na rin ng ahensya ang inspeksyon sa mga transport terminal at sasakyan sa pamamagitan ng paggamit ng tinatawag na “mystery riders” upang masiguro ang pagsunod ng mga operator at drayber sa itinakdang service standards.

Nakatakda ring ipagpatuloy ng LTFRB ang pagdinig ukol sa panukalang taas-pasahe simula Pebrero, habang nakikipag-ugnayan naman ito sa iba pang ahensya ng pamahalaan kaugnay ng fuel subsidy program.

Share this