Manila, Philippines – Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatag ng Mahalin at Kalingain Ating mga Bata (MAKABATA) Program na layuning tugunin ang mga usapin ukol sa violence against children.
Sa ilalim ng Executive Order (EO) 79 na nilagdaan nitong Disyembre 8, itinatag ang MAKABATA Program bilang isang one-stop system para tugunan at subaybayan ang mga isyu ng Children in Need of Special Protection (CNSP).
Layon ng programa na tumanggap ng mga ulat ng pang-aabuso, pagsagip at pagbibigay ng tulong, rehabilitasyon, at reintegrasyon.
Tumutukoy naman ang CNSPs sa mga batang menor de edad, pati na rin ang mga 18 taong gulang pataas na hindi kayang alagaan ang sarili dahil sa kondisyong pisikal o mental.
Sila ay kadalasang biktima ng pang-aabuso, kapabayaan, pagsasamantala, diskriminasyon, child labor, online sexual exploitation, trafficking, at iba pa.
Kasama rin sa programa ang mga batang may kaso sa batas, naninirahan sa alternatibong tirahan, at may HIV.
Samantala, ang Council for the Welfare of Children (CWC) ang mangunguna sa koordinasyon at monitoring ng MAKABATA Program, habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) naman ang mangunguna sa implementasyon nito.
Hinihikayat naman ang publiko na gamitin ang MAKABATA Helpline 1383 para mag-report o magtanong tungkol sa mga isyu ukol sa kapakanan ng mga CNSPs, at ano pa man mga malalapit na katanungan.