Manila, Philippines – Ang pagsalubong sa taong 2025 ay hudyat din ng unang taon ng iligalisasyon ng operasyon ng POGO sa Pilipinas.
At sa pagtatapos ng deadline para sa total POGO ban sa bansa nitong katapusan ng 2024, mas pinaigting pa ng mga awtoridad ang operasyon para sa mga natitira pang foreign POGO workers sa loob ng bansa.
Sa isang press release, inanunsyo ng Bureau of Immigrations (BI) na mayroon pang 11,254 na mga foreign nationals na sangkot sa mga operasyon ng POGO ang nasa Pilipinas pa rin kahit tapos na ang ibinigay na palugit sa kanila para sa kanilang mandatory departure.
Dahil sa pagkabigong makatalima sa nasabing deadline, ang mahigit 11,000 pang foreign POGO workers na nasa bansa pa ay up for deportation na ng BI.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinag-utos niya na ang mas maigting na search operations para sa mga nasabing foreign POGO workers, na itinuturing na ngayon ng batas bilang illegal aliens.
Babala niya, walang palalagpasin ang ahensya sa kanilang manhunt operations, at na ang mga hindi pa rin tatalima ay aarestuhin, ipapadeport, at magiging blacklisted na ng BI.
Kabilang sa mga ide-deport ng BI ay ang mga hindi nakapagdowngrade ng kanilang mga visas at nakaalis ng bansa bago ang deadline, gayundin ang mga nakapagdowngrade ngunit hindi nakaalis.
Batay sa datos ng BI, mayroong kabuuang 33,863 POGO employees sa ilalim ng PAGCOR. 24,779 sa bilang na ito ang nakapagdowngrade ng kanilang visas.
Sa kaparehong tala, 22,609 na foreign POGO workers ang nakaalis ng Pilipinas bago ang December 31 deadline.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Viado ang mga kumpanya na obligado silang isuko ang kanilang mga POGO workers na nasa bansa pa, dahil sakaling itago nila ang mga ito, maaari silang kasuhan ng BI sa kasong harboring of illegal aliens.