MGA ABOGADO: DELA ROSA, KAILANGAN MANUMPA, AT DUMALO SA IMPEACHMENT TRIAL PARA MAKABOTO

Manila, Philippines — Nasa pagpapasya ngayon ng impeachment court kung papayagan bang makaboto si Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit hindi pisikal na present sa Senado.

Ito ay matapos muling hindi makita si Dela Rosa sa Senado bago pa man mag-convene bilang impeachment court ang mga senador.

Ayon sa mga eksperto, may umiiral na Senate rules na nagpapahintulot sa pagdalo sa pamamagitan ng video conferencing—isang setup na kinilala rin noon ng Korte Suprema sa panahon ng pandemya.

Pero iba umano ang usapin pagdating sa pagboto sa impeachment articles dahil wala pang malinaw na precedent kung maaaring gawin ito nang remotely ng isang senator-judge.

May 18 nang magconvene na ang senado bilang impeachment court para litisin si Vice President Sara Duterte laban sa impeachment articles laban sa kanya.  

Suot ang mga roba, nanumpa na rin ang mga senador bilang mga senator-judges sa impeachment na ito. 

At sa tagpong ito, tanging si Dela Rosa lamang ang wala sa senado at hindi nakapanumpa.  

Ayon  kay Atty. Adonis V. Gabriel,  Professor sa College of Law sa San Beda University, nakasalalay ang desisyon na ito sa senado bilang sila ang binigyan ng tungkulin na usigin ang isang impeachment case. 

Iginiit niya, sa ganitong sitwasyon walang masasabi ang korte suprema kung hindi naman ito lumalabag sa kostitusyon. 

Binigyang diin naman ni Atty. Paolo Emmanuel Tamase, Associate Dean ng College of Law sa University of the Philippines ang panunumpa ng mga senador noong may 18 bilang mga senator judge. 

Isa sa mga aspetong teknikal para makaboto sa isang impeachment trial.

Paano kung mag-oath si Dela Rosa sa pamamagitan ng remote set-up? 

May limitasyon pa rin ang panunumpa remotely. Una, kailangang tukoy ng senado ang lokasyon at nasa teritoryo lamang ng Pilipinas.

Bagamat ginagawa rin sa mga korte ang video conferencing, iginiit ni Atty. Ma. Soledad Deriquito-Mawis, Dekana ng College of Law sa Lyceum of the Philippine University, hindi lang tungkol sa pagboto ang impeachment trial. 

Aniya, ito ay paglilitis na kailangan ng mapanuring partisipasyon, katulad ng pag-uusisa at suriin ang mga ebidensya nang sa gayon ay may batayan ang isang boto ng senator judges. 

Matapos ang tensyon sa senado, minabuti si Senator Dela Rosa na umalis dahil sa takot umano na magaya kay dating pangulong duterte na kinidnap umano ng mga otoridad para madala sa The Hague, ayon sa legal counsel ng senador.

Sa huli, hinikayat ng mga abogado na magpakita si senator dela rosa at manumpa sa bilang senator judges kung tunay ang intensyon nito lumahok sa impeachment trial. 

Share this