Manila, Philippines – Binigyang linaw ng Philippine National Police (PNP) ang mga inihain na kaso ng mga kapulisan nito kay Vice President Sara Duterte na wala itong halong pamumulitika at ito ay isang konstitusyonal na tungkulin lamang.
Sa pahayag ni PNP Chief General Rommel Marbil, kasama sa kanilang mandato at serbisyo ang pagpapatupad ng batas nang walang takot, kahit ano pa ang posisyon nito sa bansa.
Ang paghahain ng mga nasabing kaso ay isang repleksyon ng tungkulin ng mga kapulisan sa konstitusyon at sa mga mamamayang Pilipino.
Aniya, hindi nila maaaring bigyan ng tingin ang mga tao na takot ang mga awtoridad at nag poprotekta sa bansa sa mga ganitong personalidad o isyu.
Dagdag niya na ang batas ay nakapataw sa lahat kahit ano pang ang kanilang estado dahil ang hustisya ay hindi namimili ng tao.
Siniguro ni Marbil na nananatiling matibay ang ipinangakong tungkulin at serbisyo ng PNP sa pagsisiguro ng kaligtasan at seguridad ng mga mamamayan at patas na paghahain ng hustisya sa bawat isa.
Kasama na rin dito ang pangako na dadaan sa legal na proseso ang mga ganitong kaso at malaya ang bawat isa na depensahan ang kanilang mga sarili base sa konstitusyon.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na magtiwala at makipagkoopera para sa pagtitiyak ng hustisya at batas sa bansa.