OPERASYON NG LRT 1 EXTENSION, MRT-7, MAGSISIMULA NA

Bilang malapit nang makumpleto at matapos ang mga paghahanda para sa tuluyang pagbubukas ng ilang mga railway systems sa bansa, nakatakda na ang pagsisimula ng partial operations ng LRT 1 Cavite Extension sa katapusan ng 2024, at ng MRT-7 sa ika-apat na quarter ng 2025.

Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas nitong ika-4 ng Hunyo, iniulat ni Transportation Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino na sa katapusan ng Abril 2024, nasa 73.26% na ang construction progress ng LRT-1 Cavite Extension para sa karagdangang 8 istasyon para rito.

Ang LRT-1 Cavite Extension ay tinatayang may haba na 11.7 km mula Baclaran, Pasay hanggang Niog, Cavite, at inaasahang magiging operational na sa katapusan ng 2024.

“At mayroon din naman po tayo, yung ating existing line, ‘no–yung sa LRT 1, which runs from Baclaran to FPJ. ito po ay ma-e-extend and it will have additional na 8 stations. And yung current na from Baclaran hanggang Dr. Santos Avenue, ito po ay inaasahang magbubukas or maguumpisa ng operasyon by end of this year. Ito ay–we have attained 73% construction progress,” saad ni Transportation Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino.

Sa kasalukuyan, target ng DOTr na makapagsimula na ng partial operations para package 1 o ang limang karagdagang istasyon ng LRT Cavite Extension sa kalagitnaan din ng kasalukuyang taon.

“Ang partial operations ng extension ng LRT Line 1, ito po ay magkakaroon ng additional 5 stations na maguumpisang mag-operate by end of this year. Ito ay ang Redemptorist station, ang MIA station, Asia World PITX Station, Ninoy Aquino station, at ang Dr. Santos Avenue Station–magiging additional na 6.35 kilometers. Sa kasalukuyan, ang ginagawa na ngayon ay may mga test runs na tayo para ma-ensure nati na kapag ito ay nag-umpisa by end of this year ay hindi na tayo magkakaroon g problema,” dagdag ni Asec. Aquino.

Batay sa ulat ng ahensya, nasa 98.20% na ang completion rate ng Package 1 kung saan 97.40% na ang sa Redemptorist Station, 97.20% sa MIA Station, 90.40% para sa Asia World Station, 93.50% sa Ninoy Aquino Station, habang 97.70% ang sa Dr. Santos Station.

Sa kabilang banda, nakatakda namang magsimula sa 4th quarter ng 2025 ang partial operations para sa Quezon City portion ng MRT-7 na may 12 stations.

“Finally, yung sa MRT-7, ito naman yung tatakbo mula North Avenue hanggang San Jose Del Monte, Bulacan, nasa 69.8% construction progress na,” ani pa ni Asec. Aquino.

Inaasahan na ang Tala Station sa Caloocan City ay makukumpleto sa taong 2025 habang ang San Jose Del Monte Station sa Bulacan ay target na matapos sa 2027.

Sa panahon na matapos na ang mga istasyon, mapapaiksi ng rail line sa 35 minutes ang travel time ng mga komyuter mula Quezon City hanggang San Jose Del Monte, Bulacan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share this