Manila Philippines – Umabot na sa halos P1.5 milyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa pagsabog ng Bulkang Kanlaon na iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa pinakahuling bulletin nito, sinabi ng NDRRMC na P1,491,206 halaga ng pinsala sa agrikultura ang naiulat sa Kanlurang Visayas.
Ang aktibidad ng Bulkang Kanlaon ay nakaapekto sa 2,479 katao o 682 pamilya sa Western at Central Visayas, ayon sa NDRRMC.
Sa apektadong populasyon, 1,400 indibidwal o 361 pamilya ang nananatili sa walong evacuation centers habang 364 katao o 62 pamilya ang mga nasa shelter sa ibang lugar.
Habang may kabuuang 1,501 pasahero ang na-stranded sa mga daungan sa Western Visayas. Lahat ng 20 domestic at isang internasyonal na flight na nakansela ay ipagpapatuloy ayon sa NDRRMC.
Idineklara ang state of calamity sa La Castellana, Negros Occidental, at Canlaon, Negros Oriental. Sa ngayon, nasa P2,740,970 ang tulong na naibigay sa mga biktima, dagdag ng ahensya.