Manila, Philippines – Ninanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mas maitaas ang insentibo para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan.
Inatasan ni Marcos ang Departments of Budget and Management (DBM) at Education (DepEd) na magtulungan para taasan ang Service Recognition Incentive (SRI) para sa mga guro sa pampublikong paaralan mula P18,000 hanggang P20,000.
Ang mas mataas na insentibo ay inaasahang makikinabang sa 1,011,800 tauhan ng DepEd.
Ang SRI ay isang taunang insentibo sa pananalapi na ibinibigay sa mga empleyado ng gobyerno upang kilalanin ang kanilang pangako at dedikasyon sa kalidad pati na rin sa pagtugon ng mga ito sa serbisyong publiko.
Ipinag-utos ni Marcos sa dalawang ahensya na tignan ang mga budgetary measures upang matiyak na maipapatupad ang pagtaas ng SRI para sa mga tauhan ng DepEd habang nananatiling sa mga fiscal responsibilities.
Nagpahayag naman ng kaniyang pasasalamat si Education Secretary Sonny Angara sa direktiba ng Pangulo, na tinawag itong morale booster para sa mga edukador ng bansa.