PANG-AABUSO SA KABABAIHAN, ITINUTURING PA RIN NA SULIRANIN SA PI – PCW

Manila, Philippines – Kasunod ng 18 araw na kampanya na wakasan ang pang-aabuso sa kababaihan at lahat ng kasarian ng Philippine Commission on Women (PCW), inihayag ng PCW na itinuturing pa rin na suliranin sa Pilipinas ang pang-aabuso sa mga babae.

Ayon kay PCW Chairperson Ermelita Valdeavilla, karaniwang nagsisimula sa loob ng isang pamilya ang pang-aabuso sa babae.

Pinunto niya rito na ang unang problema sa pagsugpo ng karahasan sa kababaihan ay ang pagtatala ng datos.

Ang ilan sa kaso ng mga pang-aabuso ay pinipili na lamang daw na itago sa loob ng tahanan dahil sa takot at kakulangan sa kaalaman kung anong kahihinatnan ng kanilang pagsusumbong sa otoridad.

Kinakailangan daw ng matinding pagbabantay ng otoridad para makolekta ang datos bilang datos.

Bukod pa rito, sinasabi ni Valdeavilla na may pangangailan din na muling pag-aralan ang kaso ng pang-aabuso para matukoy ang mga pagbabago sa karahasan laban sa mga babae.

Gayunman, binigyang diin ni Valdeavilla ang kaibahan ng babae noon at ngayon. Giit niya mas mataas na ang kompyansa ng kababaihan na magreport sa mga women’s desk.

Sa kabila ng pagbabago sa kababaihan, patuloy ang kampanya ng PCW na matigil ang karahasan laban sa mga ito.

Kasama na sa kanilang ilulunsad na programa ang “Men opposed to violence,” na pamumunuan ng kalalakihan na magsasalita para sa kapakanan ng kababaihan.

Base sa datos ng Philippine National Police (PNP), umabot sa 11,636 ang naitalang violence against women (VAW) related cases noong January hanggang November 30 ngayong taon.

Samantala, 11,522 na kaso ng VAW ang cleared na, ibig sabihin nakasuhan na ang suspect, habang 7,000 bilang na ito ang naresolba na.

Share this