PANSAMANTALANG TOLL RELIEF, IPATUTUPAD SA NLEX NORTHBOUND

Manila, Philippines — Sa gitna ng pagsasaayos ng Marilao Bridge, sinimulan na ngayong Lunes ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) ang implementasyon ng Temporary Toll Relief sa Northbound portion nito, na apektado ng repair works.

Batay sa anunsyo ng NLEX Corporation nitong Linggo, epektibo na simula alas dose ng tanghali nitong Lunes, ika-24 ng Marso, ang pansamantalang suspensyon ng toll fee collection sa Northbound na bahagi ng expressway mula Balintawak hanggang Meycauayan.

Ito ay bilang konsiderasyon na rin sa suhestyon ng Department of Transportation (DOTr) na suspendihin muna ang toll sa mga bahagi ng NLEX na apektado ng ginagawang pagsasaayos sa Marilao Bridge.

Matatandaan na noong ika-19 ng Marso, nagkaroon ng sira ang Marilao Bridge nang sinubukang dumaan dito ng isang overheight na truck.

Sa kasalukuyan, pansamantala munang sarado ang lane 2 at lane 3 ng Marilao Northbound para sa mga repair at safety works para rito.

Mananatili namang bukas ang Lane 1 at 4 ngunit inabisuhan na ang mga motorista sa posibleng masikip at mabigat na daloy ng trapiko dito.

Sa suhestyon ng DOTr noong nakaraang linggo, ang pagpapatupad ng suspensyon sa toll fee ay bilang konsiderasyon na rin sa epekto ng insidente sa mga motorista, at upang mabigyan anila ang mga ito ng bahagyang kaginhawaan sa gitna ng abala na maaari nilang maranasan sa gitna ng repair works.

Magpapatuloy ang implementasyon ng temporary toll relief hanggang sa buksan nang muli ang apat na linya, kasabay ng inaasahang pagtatapos ng mga pagsasaayos sa ika-28 ng Marso, alas onse ng gabi.

Share this