MANILA PHILIPPINES – Suportado ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na bigyan na ng sariling legal department ang Philippine National Police na makakatulong sakanilang case build-up at maprotektahan sa mga posibleng asunto.
Ayon kay Yamsuan bilang dating opisyal noon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) napakaraming suspects ang nakakalaya dahil sa mga magagaling na abogado nito.
Bagay na matagal na raw problema ng PNP.
“Isa itong mabisang solusyon sa problema ng PNP kapag nakakaharap sila sa mga high-profile cases kung saan ang mga suspek ay may magagaling na abugado. Sa halip na ang suspek ang masampahan ng kaso ay ang pulis pa ang nakakasuhan dahil kulang sila sa gabay at suporta ng mga legal expert,” ayon kay Yamsuan.
Sa kanyang ikalawang command conference sa PNP, ipinag utos ni Pangulong Marcos na pag aralan ang kanyang proposal.
Ayon sa pangulo ang legal department na ito ay magbibigay ng legal na tulong sa mga pulis, lalo na sa mga hindi kayang magbayad ng abogado.
Bagamat mayroon na raw legal department ang ahensya, bukod sa kulang ito sa mga staff ay naatasan pa ng mas maraming function gaya nalamang ng contract review na sa ngayon ay hindi makayanan ang bilang ng mga kasong isinampa laban sa mga pulis.