Manila, Philippines — Sa pinakabagong Ulat ng Bayan report ng Pulse Asia Research para sa buwan ng Marso, malaki ang naging diperensya sa pagitan ng nakuhang performance at trust ratings ng dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa—sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Tila hindi pumabor kay Marcos ang resulta ng survey, kung saan parehong bumaba ang nakuha nyang performance at trust scores noong buwan ng Marso, na pumatak sa parehong 25%.
Malaki ang ibingasak nito mula sa mga nakuha nyang scores noong Pebrero, kung saan natanggap sya ng 42% na approval at trust ratings.
Ibig-sabihin nito, bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nasiyahan sa kanyang pagganap sa tungkulin, maging ang bilang ng mga nagtitiwala sa kanya.
Pinakamataas ang performance ratings ni PBBM nitong Marso mula sa Luzon na may 35% habang sumadsad sa 5% ang kanyang puntos mula sa Mindanao.
Ang survey na isinagawa noong ika-24 hanggang ika-29 ng Marso ay maaaring naapektuhan na ng nakalipas na mga politikal na kaganapan sa Pilipinas, kabilang na ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Posible ring nakaimpluwensya ang naturang kaganapan kaya nagkaroon ng pagtaas sa performance at trust scores na nakuha ni VP Sara nitong Marso.
Ayon sa parehong survey, umangat sa 59% ang approval ratings ni Duterte, habang pumalo naman sa 61% ang kanyang trust scores, kahit pa sa kabila ng kinahaharap na impeachment at isyu sa confidential funds ng kanyang opisina.
Pinakamataas ang performance ratings at trust scores na nakuha ni Duterte mula sa Mindanao na may 96% at 97% nitong Marso, na kilalang balwarte ng mga Duterte dahil sa Davao City.