Occidental Mindoro — Puspusan pa rin ang isinasagawang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard para mahanap ang 10 crew members ng tumaob na Chinese sand carrier vessel sa Occidental Mindoro, Martes ng hapon.
Batay sa report ng PCG, bandang 5:20 ng hapon ng napaulat ang pagtaob ng Motor Vessel Hong Hai 16 sa mga katubigan sa Barangay Malawaan, Rizal, Occidental Mindoro na may 25 crew members—13 Pinoy at 12 Chinese nationals.
“Search and rescue operations are ongoing, including underwater assessments and preparation for diving operations and cutting work by the Coast Guard Special Operations Group Southern Tagalog. Per initial visual assessment, the vessel remains upright but partially submerged, with possible trapped personnel in the engine room,” sabi ng PCG.
Matapos ang agarang pagresponde ng PCG sa lugar ng insidente, anim na Pilipino at walong Chinese ang nailigtas, habang isang Tsino naman ang narecover ng mga awtoridad na wala nang buhay.
Sa kasalukuyan, pinaghahanap pa rin hanggang ngayon ang 10 pang crew ng naturang carrier vessel na nawawala pa rin. Pito rito ay mga Pilipino, habang tatlo naman dito ang Chinese.
Wala pang opisyal na kumpirmasyon ang PCG sa maaaring naging mitsa ng pagtaob ng naturang vessel gayong nasa moderate sea level ang karagatan nang mangyari ang insidente.
Bukod sa rescuers, nakipagtulungan na riin ang PCG sa mga disaster response office at environmental groups upang matugunan ang posibleng environmental hazard na dulot ng pagtaob ng sand vessel.
“In anticipation of a possible environmental hazard, PCG personnel coordinated with the Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office for the potential deployment of oil spill containment booms. Simultaneously, PCG in Sablayan immediately deployed an additional response team to augment the ongoing operations,” saad ng PCG.