MGA PROGRESIBONG GRUPO, SINUGOD ANG US EMBASSY KASABAY NG PAGDIRIWANG NG LABOR DAY 2026

Manila, Philippines — Nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga progresibong grupo at kapulisan matapos tangkang buwagin ng mga raliyista ang barikada ng Philippine National Police (PNP) patungo sa Embahada ng Estados Unidos.

Matapos ang kanilang pagkilos sa Mendiola pasado alas-diyis ng umaga, agad na tumungo at nagtipon sa T.M. Kalaw Avenue sa Ermita, Manila ang mga progresibong grupo upang lusubin ang US Embassy. 

Ngunit ilang kilometro na lang ang layo mula sa embahada, hinarang na sila ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD).

Dito na sumiklab ang komosyon matapos suntukin ng isang raliyista ang isang pulis, na nakunan mismo sa video ng MPD.

Sugatan ang naturang pulis dahil sa insidente. Bukod dito, may ulat din na ninakawan ng cellphone ang isang opisyal, at ang itinuturong suspek ay ang lalaki ring nanuntok sa pulis.

Bukod sa pisikal na sagupaan, nagkagulo rin nang sindihan ng mga raliyista ang isang effigy na nagpapakita sa mukha nina US President Donald Trump, President Ferdinand Marcos Jr., at Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu.

Ayon kay MPD PLtCol. June Abrazado, agad na naghanda ang Bureau of Fire Protection (BFP) at ang PNP dahil sa posibleng paglaki ng apoy mula sa sinindihang effigy.

Giit ni Abrazado, mahirap ikonsidera bilang “payapa” ang naturang pagkilos dahil sa pananakit na ginawa ng ilang raliyista sa mga alagad ng batas.

Ngunit nanindigan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na walang armas ang mga manggagawa at pawang kasinungalingan lamang ang mga paratang ng kapulisan. 

Ayon kay Lito Ustis (KMU), karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga hinaing laban sa gobyerno.

Sa kabuuan, itinuturing ng KMU na matagumpay ang kanilang naging mobilisasyon mula Mendiola hanggang T.M. Kalaw Avenue.—Krizza Lopez, Eurotv News

Share this