Pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon, kooperasyong pang-ekonomiya, at seguridad sa enerhiya ang ilan sa mga pangunahing tinalakay ng Pilipinas at Japan sa 29th ASEAN-Japan Summit.
Sa kanyang pambungad na pahayag, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang matagal nang ugnayan ng ASEAN at Japan, gayundin ang kanilang iisang layunin na mapanatili ang kapayapaan, katatagan, at kooperasyon sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, nakabatay ang kanilang partnership sa tiwala ng mga pamahalaan at matibay na ugnayan ng kanilang mga mamamayan upang sama-samang harapin ang mga hamon sa rehiyon at buong mundo.
Kabilang sa mga binanggit ni Marcos ang suporta ng Japan sa ASEAN centrality at ASEAN Outlook on the Indo-Pacific, gayundin ang pagtutulungan upang labanan ang mga transnational crime, online scam, at cyber threat.
Sa larangan naman ng ekonomiya, binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapalalim ng regional integration sa pamamagitan ng mga umiiral na kasunduan sa kalakalan, kabilang ang planong pag-upgrade sa ASEAN-Japan Comprehensive Economic Partnership Agreement.
Malugod din niyang tinanggap ang suporta ng Japan sa seguridad sa enerhiya at pagkain, partikular sa pamamagitan ng ASEAN Power Grid at iba pang panrehiyong inisyatiba.
Samantala, tiniyak ni Japanese Prime Minister Sanae Takaichi ang patuloy na pakikipagtulungan ng Japan sa ASEAN sa gitna ng lumalalang kawalang-katatagan sa buong mundo.
Binigyang-diin ni Takahashi ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pandaigdigang kaayusan na nakabatay sa kalayaan, pagiging bukas, pagkakaiba-iba, pagiging inklusibo, at paghahari ng batas.
Inanunsyo rin niya ang paglulunsad ng Japan-ASEAN AI Safety and Security Partnership upang tugunan ang mga posibleng panganib na dulot ng mabilis na pag-unlad ng artificial intelligence.
Plano rin ng Japan na palakasin ang supply chains, partikular sa mga kritikal na mineral, at isulong ang katatagan ng ekonomiya at enerhiya sa pamamagitan ng POWER Asia.
Kapwa rin binigyang-halaga ng dalawang lider ang pagpapalawak ng ugnayan ng mga mamamayan, kooperasyon ng kabataan, at pagtutulungan sa larangan ng agham at teknolohiya.
Kasabay nito, naghahanda ang ASEAN sa paggunita ng ika-60 anibersaryo nito sa susunod na taon, gayundin sa ika-50 anibersaryo ng Fukuda Doctrine ng Japan na patuloy na nagsisilbing gabay sa ugnayan ng dalawang panig.