SENATOR BONG GO, NAGBIGAY NG PAHAYAG MATAPOS KUMALAT ANG BALITANG MAY ARREST WARRANT MULA SA ICC

Manila, Philippines — Ipinagpasa-Diyos ni Senador Bong Go ang mga kumakalat na ulat tungkol sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court o ICC laban sa kanya.

Sa isang pahayag, iniwan ng Senador ang lahat sa Poong Maykapal at iginiit na wala siyang nilabag na batas ng tao o batas ng Diyos.

Kasunod ito ng pahayag ni Davao City First District Representative Paolo Duterte na may umano’y highly reliable source na nagsabing naglabas na ng arrest warrant ang ICC laban kay Go at dalawa pang dating police officers.

Binigyang-diin ni Go na hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang mga usaping may kinalaman sa usaping pulisya.

Humiling din siya na sana hindi mapunta sa usapang pulitika ang nasabing isyu.

Samantala, nilinaw naman ng Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, Philippine National Police, at maging ni Senate President Win Gatchalian na wala silang natatanggap na anumang opisyal na abiso hinggil sa naturang warrant.

Matatandaang kabilang si Go sa mga opisyal na naunang pinangalanan ng ICC bilang umano’y mga co-perpetrator sa mga kasong may kaugnayan sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Mariin namang itinanggi ni Go ang mga alegasyon.

Sa kabila ng mga kumakalat na ulat, tiniyak ni Go na magpapatuloy siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang senador.

Share this