15-ANYOS NA SUSPEK SA TACLOBAN SHOOTING, MANANATILI SA JUVENILE FACILITY KABILA NG MGA KASO

Manila, Philippines — Nilinaw ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) na mananatili pa rin sa juvenile facility ang 15-anyos na suspek sa Tacloban shooting incident sa kabila ng mga kinakaharap nitong kaso.

Ngayong Huwebes, sa press conference ng Department of Social Welfare and Development, sinabi ng JJWC na hindi pa maaaring ilipat sa kulungan ang menor de edad na suspek dahil hindi pa ito nasa hustong gulang.

Paliwanag ni JJWC Executive Director Atty. Tricia Claire Oco, nakabatay pa rin sa batas at magiging desisyon ng korte ang takbo ng kaso ng bata.

Kung sakaling magpatuloy ang kaso at mapatunayang guilty ang suspek, posibleng suspendihin muna ng korte ang pagpapatupad ng parusa at bigyan siya ng pagkakataong manatili sa rehabilitation center ng DSWD.

Ngunit kung sa loob ng itinakdang panahon ay hindi makitaan ng pagbabago at pagsisisi ang suspek, maaari ring ipatupad ng korte ang sentensya sa oras na umabot na ito sa hustong gulang na 18 taong gulang.

Batay sa batas, ang isang taong mapapatunayang guilty sa kasong murder ay maaaring patawan ng reclusion perpetua o pagkakakulong mula 20 taon at isang araw hanggang 40 taon.

Ngunit ayon kay Atty. Oco, dahil menor de edad ang suspek, nakasaad sa batas na maaaring mabawasan ang parusa at maging reclusion temporal o pagkakakulong mula 12 taon hanggang 20 taon.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya pa rin ng DSWD ang mga suspek sa Tacloban shooting, partikular sa Regional Rehabilitation Center for Youth ng lalawigan, dahil wala nang available na espasyo sa Bahay Pag-asa.

Bukod sa 14-anyos at 15-anyos na mga suspek, sasailalim din sa psychological assessment ang kani-kanilang mga magulang upang matukoy ang mga posibleng salik at dahilan kung bakit nauwi sa krimen ang mga bata.

Nitong Miyerkules ng gabi, pormal nang sinampahan ng Philippine National Police ang 15-anyos na suspek ng multiple criminal charges partikular ang frustrated murder at serious physical injuries, na maituturing na isa sa mga unang malaking hakbang sa kaso ng pamamaril sa kapwa nito mag-aaral.

Habang nagpapatuloy ang proseso ng kaso, sasailalim naman ang 15-anyos na suspek sa mahabang rehabilitasyon sa Bahay Pag-asa o iba pang itinalagang juvenile facility.

Share this