DIGITAL PAYMENTS SA PASIG MEGA MARKET POSIBLE NA DAHIL SA PINALAWAK NA FREE WI-FI FOR ALL NG DICT

Manila, Philippines — Mas pinapalawak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang digital connectivity sa mga komunidad sa pamamagitan ng pinalawak nitong Free Wi-Fi for All program.

Isa sa mga nakinabang sa programa ang Mutya ng Pasig Mega Market, kung saan ikinabit ang satellite-powered Free Public Wi-Fi na nagbibigay-daan sa mas mabilis at maaasahang internet connection para sa mga mamimili at tindero.

Ayon sa DICT, layunin ng proyekto na suportahan ang pagpapatupad ng Paleng-QR Ph Plus at hikayatin ang paggamit ng cashless transactions sa mga pampublikong pamilihan. Sa pamamagitan ng libreng internet access, mas nagiging madali at ligtas ang paggamit ng QR code payments para sa mga vendor at customer.

Bahagi rin ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isulong ang digital transformation sa mga pampublikong lugar at palawakin ang access ng mga mamamayan sa digital services.

Dahil sa inisyatiba, mas mabilis at mas maginhawa na umano ang pagbabayad ng mga mamimili gamit ang cashless methods. Napansin din ng mga vendor ang pagdami ng mga customer na gumagamit ng QR payments sa kanilang mga transaksyon.

Patuloy namang isinusulong ng DICT ang pagpapalawak ng Free Wi-Fi for All program upang mas maraming komunidad sa bansa ang makinabang sa ligtas, maaasahan, at abot-kayang internet connectivity.

Share this