Manila, Philippines — Dalawang Low Pressure Area (LPA) ang kasalukuyang binabantayan ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa datos, namataan ang LPA 05a sa layong 1,020km East ng Northeastern Mindanao, inaasahang papasok ito ngayong araw sa loob ng PAR at magpapaulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Gayunpaman, nananatiling mababa ang tiyansa nitong lumakas at maging isang ganap na bagyo.
Habang ang isa naman na tinawag na LPA 05b ay namataan sa layong 2,595km East ng Northeastern Mindanao, may kalayuan ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA, ang naturang LPA 05b ay mataas ang tiyansa na maging isang ganap na bagyo sa loob ng 24 hanggang 48 oras. At posibleng pumasok sa loob ng PAR sa susunod linggo.
Gayunpaman, nilinaw ng PAGASA na bagama’t posibleng pumasok sa PAR ang naturang Low Pressure Area, inaasahang hindi ito magkakaroon ng direktang epekto sa bansa sa loob ng susunod na tatlo hanggang limang araw.
Samantala, patuloy naman na makakaranas ng mainit at maalinsangang panahon ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa umiiral na easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko.
Pinapayuhan ng PAGASA ang publiko na manatiling alerto sa mga susunod na weather updates, lalo na sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng mga pag-ulan.—Grachella Corazon, Eurotv News