Arestado ang tatlong Chinese nationals sa isang law enforcement operation dahil sa paghawak ng mga hazardous electronic waste para pagkakitaan.
Sa pakikipagtulungan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG, katuwang ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources o DENR-EMB, Isinagawa ang operasyon pasado ala-una y medya ng hapon sa Barangay 177, Camarin, Caloocan City nitong July 29.
Nadiskubre nilang nagbebenta at nag-iimbak ang mga suspek ng mga sirang motherboard ng cellular phones at tablets nang walang kaukulang permit o awtoridad mula sa DENR.
Dito nakumpiska nila ang bultong mga electronic waste o e-waste, na itinuturing na hazardous waste sa ilalim ng Republic Act No. 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.
Ayon sa CIDG, ang electronic waste mula sa mga motherboard ng cellphone at tablet ay naglalaman ng mabibigat na metal at iba pang mapanganib na kemikal na maaaring makapinsala sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran kapag hindi maayos ang paghawak at pagtatapon.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Section 13 ng Republic Act No. 6969, gayundin sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at isasailalim sa inquest proceedings sa National Prosecution Service. — Aliyah Esquillo, Contributor