Manila, Philippines – Dumating ngayong Lunes (Enero 6, 2025) sa bansa ang tinatayang 300 Afghan nationals para iproseso ang kanilang US Special Immigrant Visas (SIVs), ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Unites States, ang mga Afghan nationals na ito ay pansamantalang mananatili sa bansa habang kinukumpleto ang aplikasyon ng kanilang mga visa sa US Embassy sa Maynila bago sila tuluyang manirahan patungong US.
Sasailalim ang mga ito sa mahigpit na patakaran, kabilang ang pananatili sa isang undisclosed billet facility at papayagan lamang silang umalis ng pasilidad para sa kanilang konsular interview.
Ang pananatili nila ay inaasahang tatagal nang hindi hihigit sa 59 araw, visa man o wala.
Nilinaw naman ng DFA na ang mga Afghan nationals na ito ay hindi mga refugee kundi mga indibidwal at pamilyang nagtrabaho para sa pamahalaan ng US noong operasyong militar sa Afghanistan.
Ang kanilang pananatili ay sagot ng gobyerno ng US, kabilang ang lahat ng mga gastusin.