Manila, Philippines – Nakalapag na nitong Biyernes ng hapon, July 11, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at Clark International Airport ang anim sa 17 Filipino seafarers mula sa lumubog na MV Magic Seas.
Bumaba sa NAIA Terminal 1 ang chief, 2nd, at 3rd officer ng barko, habang puro engineer naman ang bumaba sa Clark, bandang alas-4 hanggang alas-4:30 ng hapon.
Sinalubong sila ng mga kawani ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Ilan sa mga natanggap nilang tulong ang Php75,000 mula sa AKSYON Fund ng DMW at Repatriation Fund ng OWWA, Php10,000 mula sa DSWD, agarang check up mula sa MIAA, at skills training vouchers.
Binigyan rin ang mga marino ng hotel accommodations at travel expenses mula sa OWWA upang maginhawa silang makauwi sa kani-kanilang mga pamilya at probinsya.
Matatandaang inatake at pinalubog ng mga Houthi rebels ang MV Magic Seas noong July 6.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DMW, DFA, at OWWA upang maiuwi ang natitira pang 11 mula sa nasabing barko, at pati na rin ang 21 seafarers mula naman sa MV Eternity C. —Isa Estrellado, Contributor