Manila, Philippines – Sa inaasahang magiging dagsa ng mga pasahero ngayong darating na selebrasyon ng kapaskuhan at bagong taon, aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mahigit 900 na mga special permits para sa mga public utility vehicles (PUVs).
Sa isang press release, kinumpirma ng LTFRB ang 956 na mga naaprubahang PUV special permits, mula sa 988 units na nagsumite ng kanilang mga aplikasyon.
Ang pagpapalabas ng mga special permits na ito ay bahagi ng programa ng LTFRB tuwing holidays upang masiguro na mayroong sapat na units ng pampublikong transportasyon sa panahong inaasahan din ang buhos ng mga komyuter.
Sa pamamagitan ng mga special permits na ito, maaaring makabyahe ang mga PUVs sa mas marami pang ruta para punuan ang posibloeng maging kakulangan ng mga pampublikong transportasyon sa mga lugar na dadagsain ng mga mananakay.
Kaugnay nito, umaasa si LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na magiging sapat ang bilang na ito para makatulong sa pagpapagaan ng transportasyon ng publiko ngayong holiday season.
Epektibo ang special permits na ito mula ika-20 ng Disyembre hanggang ika-10 ng Enero 2025.