BAKUNAHAN KONTRA TIGDAS SA MINDANAO, PINALAWIG PA HANGGANG FEB. 20

Pinalawig pa ng Department of Health (DOH) ang Measles-Rubella Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) sa Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang February 20 na dapat ay natapos na noong February 13.

Sa pinakabagong Situation report ng DOH mula January 19 hanggang Feb 15, 2026 umabot na sa 2,299,034 ang mga batang edad 6 – 59 buwan o wala pang 5 taon ang nabakunahan na kontra tigdas.

Pinakamarami nang nabakunahan ay nagmula sa BARMM sinundan ng Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN, Davao Region, at CARAGA.

Sa kabuuan makalipas ang limang linggong pag-arangkada ng Measles-Vaccination sa rehiyon, mahigit pa sa 500,000 mga bata ang hindi pa nakatanggap ng bakuna na target pang bakunahan laban sa tigdas hanggang Feb 20.

Ang mga nabanggit na bilang ay bahagi ng 11 milyong mga bata sa buong bansa na nilalayon ng DOH na bakunahan kontra nakakahawa at delikadong sakit.

Phase 1 pa lamang ito ng Nationwide vaccination ng pamahalaan sa pangunguna ng DOH.

Sa hunyo, ang mga batang taga-Luzon at Visayas naman ang nakatakdang bakunahan.

Patuloy naman ang paghihikayat ng kagawaran ng kalusugan sa mga magulang na makiisa sa mass vaccination.

Una na ring binigyang diin ni Health Secretary Ted Herbosa ang kahalagahan ng pakikiisa sa bakunahan para sa proteksyon ng mga bata.

Share this